Health Encyclopedia
Search Clinical Content Search Health Library
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Pag-unawa sa Multiple Sclerosis (MS)

Ang multiple sclerosis (MS) ay isang sakit sa utak at gulugod. Sa ngayon, wala pang lunas para sa MS. Ngunit maraming paggamot para makatulong na pamahalaan ito. Marami sa mga may MS ang kayang pamahalaan ang kanilang mga sintomas at namumuhay nang aktibo at malusog. Ipagpatuloy ang pagbasa para matuto nang higit pa tungkol sa MS at ang mga paggamot dito.

Malapitang kuha ng synapse kung saan nagtatagpo ang dalawang neuron. Ipinakikita ng mga arrow ang mensahe na dumadaloy sa malusog na neuron at nagagambala sa napinsalang neuron.

Ano ang MS?

Ang utak ang sentro ng kontrol ng katawan. Kinokontrol ng bawat bahagi ng utak ang partikular na mga paggana. Kasama rito ang paggalaw, balanse, pandama, at pag-iisip. Kinokontrol ng utak ang mga ito sa pamamagitan ng pagpapadala at pagtanggap ng mga mensahe sa pamamagitan ng mga nerbiyo. Ang mga nerbiyo ay may pumuprotektang balot. Tinatawag ang balot na myelin. Sa MS, ang myelin sa mga nerbiyo sa utak at gulugod ay sira na. Ang pagkawala ng balot na ito ay nagiging sanhi na bumagal o huminto ang mga mensahe na dumadaloy sa mga apektadong nerbiyo. Nagreresulta ito ng mga sintomas ng MS.

Mga sanhi at dahilan ng panganib para sa MS

Hindi alam ng mga dalubhasa kung ano ang sanhi ng MS. Ngunit iminumungkahi ng karamihan ng pananaliksik na may pagkakamaling inaatake ng immune system ng katawan ang myelin. Pinakamadalas na nagsisimula ang MS sa mga adultong nasa pagitan ng edad na 20 at 40. Mas madalas na nangyayari ito sa mga kababaihan kaysa sa mga kalalakihan. Mas malamang na mangyari ito sa isang taong may kasaysayan ang pamilya ng MS. Maraming gene ang napag-alamang nagpapataas sa panganib ng MS. Mas karaniwan ang nakaraang impeksiyon ng Epstein-Barr (mononucleosis) sa mga taong may MS. Mas malamang din na naninigarilyo, may kakulangan sa bitamina D o labis na katabaan sa pagkabata ang mga may MS.

Mga uri ng MS

Mayroong 4 na pangunahing uri ng MS. Ang mga ito ay:

  • Relapsing-remitting MS. Ang uring ito ng MS ang pinakakaraniwan. Nagdudulot ito ng mga episode ng mga sintomas. (tinatawag ding mga pag-atake o pagsumpong). Sumusunod sa mga pag-atakeng ito ang mga yugto ng bahagya o ganap na paggaling. Maaaring mas malubha ang bawat pag-atake kaysa sa dating pag-atake.

  • Pangunahin-progresibong MS. Ang uring ito ng MS ay may mabagal na pagsisimula ng mga sintomas na mas lumulubha sa paglipas ng panahon. Walang mga yugto ng paggaling.

  • Pangalawahing-progresibong MS. Nagsisimula ang ganitong uri ng MS bilang relapsing-remitting MS. Pagkatapos ng matatag na panahon, lumulubha ang sakit. Humigit-kumulang sa 50% ng mga taong may relapsing-remitting na MS ang may secondary-progressive MS sa loob ng 10 taon ng una nilang pag-atake. Halos lahat sila ay mayroon nito sa loob ng 25 taon.

  • Progressive-relapsing MS. Kasama sa ganitong uri ng MS ang mga sintomas na unti-unting lumulubha, at mga panahon ng mga pagsumpong nang magkasama.

Mga Sintomas ng MS

Nag-iiba-iba ang mga sintomas ng MS sa bawat tao. Nakadepende ang mga uri ng mga sintomas sa kung aling mga nerbiyo ang apektado. Depende rin ito sa kung gaano karaming sira ng nerbiyo ang mayroon sa utak at gulugod. Maaaring magkaroon ang isang tao ng iba't ibang sintomas sa panahon ng pagkakasakit. Maaaring kabilang sa mga sintomas ang:

  • Matinding pagkapagod (pagkahapo)

  • Pamamanhid, pamimitig, o pagkawala ng pakiramdam

  • Pananakit

  • Pananakit ng kalamnan o panghihina ng braso, binti, o pareho

  • Problema sa paningin kabilang ang mabilis na mga paggalaw ng mata, pagkaduling o panlalabo ng paningin

  • Mga problema sa balanse at koordinasyon

  • Mga problema sa paglakad o paggalaw ng braso, binti, o pareho

  • Mga problema sa pagkontrol ng dumi at ihi

  • Mga problema sa sekswal na paggana

  • Pagkahilo

  • Hirap sa konsentrasyon, pagtuon ng pansin o pag-alala ng mga bagay-bagay

  • Hirap sa pangangatwiran at paglutas ng mga suliranin

  • Hirap magsalita o lumunok

  • Depresyon

Pag-diagnose ng MS

Kabilang sa mga pagsusuri para ma-diagnose ang MS ang:

  • MRI. Ipinapakita ng pagsusuring ito ang mga detalyadong larawan ng utak at gulugod. Tumutulong ito na suriin ang mga bahagi ng nasirang nerbiyo. Tinatawag ang mga ito na mga sugat o plaque.

  • Mga visual evoked potential. Ipinapakita ng pagsusuring ito kung gaano kahusay na gumagana ang iyong mga optic nerve.

  • Spinal tap. Tinatawag din itong lumbar puncture. Tinitingnan nito ang likido sa palibot ng iyong utak at gulugod para sa mga palatandaan ng pagkasira ng nerve sheath (demyelination).

  • Mga pagsusuri ng dugo. Tumutulong ang mga ito na alisin ang iba pang mga sanhi ng mga sintomas.

Paggamot sa MS

Ang layunin ng paggamot ay upang pamahalaan ang iyong mga sintomas at pabagalin ang antas ng paglubha ng sakit. Maaari mong pamahalaan ang iyong mga sintomas sa ganitong mga paraan:

  • Mga gamot. Tumutulong ang ilang gamot para huwag atakehin ng immune system ng iyong katawan ang myelin. Maaari nitong bawasan kung gaano kadalas nangyayari ang mga pag-atake. At maaari nitong mabawasan kung gaano kasama ang mga ito. Tumutulong ang iba pang gamot na kontrolin ang mga sintomas o pahupain ang kirot kapag nangyayari ang mga pag-atake.

  • Rehabilitasyon (rehab). Maaaring maapektuhan ng mga sintomas ng MS ang pang-araw-araw na buhay. Kabilang sa rehab ang mga terapiya ng katawan, sa pamamagitan ng paggawa, at sa pagsasalita. Maaari ka nitong matulungan na mapanatili ang lakas at paggana. Kung kinakailangan, magrereseta ang tagapangalaga ng iyong kalusugan ng tungkod, panlakad, o wheelchair. Maaari kang gumawa ng mga pagbabago sa lugar ng iyong trabaho o tirahan upang mapahusay ang iyong kaligtasan.

  • Pansuportang mga serbisyo. Tinutulungan ka ng mga pagpapayo at suportang grupo na makayanan ang mga hamon ng pamumuhay na may MS. Maaari ding makinabang ang mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan mula sa mga serbisyong ito.

  • Mga pagbabago sa istilo ng pamumuhay. Maaari kang matulungan na pamahalaan ang mga sintomas sa paggawa ng ilang pagbabago sa iyong estilo ng pamumuhay at pang-araw-araw na gawain. Kabilang dito ang pagkakaroon ng sapat na pahinga at regular na ehersisyo. Kasama nito ang pagkain ng masusustansyang pagkain at pagbawas ng stress. Kapaki-pakinabang na alamin at iwasan ang mga bagay na sanhi ng mga insidente ng MS.

  • Iba pang mga paggamot. Tinutuklas ng mga mananaliksik ang mga bagong paggamot para sa MS. Marami sa mga ito ay nasa klinikal na pagsubok. Nangangahulugan ito na ang mga iyon ay sinusubukan para sa kaligtasan at para malaman kung gaano kabisa gumagana ang mga ito. Makipag-usap sa iyong mga tagapangalaga tungkol sa mga paggamot na maaaring maging opsyon para sa iyo.

Mga pangmatagalang alalahanin

Ang MS ay isang sakit na mahirap hulaan. Magkakaiba ang karanasan ng bawat tao. Sa pangkalahatan, dapat na magkaroon ka ng mga regular na pagbisita sa iyong tagapangalaga. Oobserbahan niya ang iyong mga sintomas. Susuriin niya kung gaano kahusay na gumagana ang iyong mga gamot at iba pang mga paggamot. Maaaring lumalala ang mga sintomas ng MS habang nagpapatuloy ang iyong sakit. Kung mangyari ito, maaaring kailanganin mo ng higit pang pangangalaga at mga paggamot.

© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer