Health Encyclopedia
Search Clinical Content Search Health Library
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Para sa mga Bata: Paggamit ng Iyong Insulin

Tinutunaw ng digestive system ang pagkain, na nagreresulta sa isang asukal na tinatawag na glucose. Naiimbak ang ilan sa mga glucose na ito sa atay. Ngunit pumapasok sa dugo ang karamihan sa mga ito at dumadaloy sa mga selula na gagamitin bilang enerhiya. Kailangan ng glucose ng tulong ng hormone na insulin upang makapasok sa mga selula. Ginagawa sa lapay ang insulin, isang organ sa tiyan (belly). Inilalabas ang insulin sa dumadaloy na dugo bilang pagtugon sa pagkakaroon ng glucose sa dugo.

Isipin ang insulin bilang isang susi. Kapag nakarating ang insulin sa isang selula, kumakapit ito sa dingding ng selula. Hinuhudyatan nito ang selula na gumawa ng isang puwang na hinahayaan ang glucose na pumasok sa selula. Kung walang insulin, ang iyong mga selula ay hindi makakakuha ng glucose upang masunog para sa enerhiya. Ito ang dahilan kung bakit maaari kang makaramdam ng panghihina o pagkapagod.

Ang insulin na nawawala sa iyo ay maaaring mapalitan ng mga turok ng insulin (mga iniksyon). Gumagamit din ang ilang bata ng mga insulin pump. Pagkatapos maaari nang magsunog ng glucose ang iyong katawan para sa enerhiya. Tumutulong ito na panatilihin ang iyong asukal sa dugo sa isang malusog na hanay.

Insulin pen at hiringgilya.

Normal ang pakiramdam na kinakabahan

Karamihang taong may diabetes ay natatakot na bigyan ang kanilang sarili ng mga iniksyon ng insulin sa simula. Kahit ang iyong mga magulang ay malamang na kinakabahan sa pagbibigay sa iyo ng iyong unang mga iniksyon. Ngunit pagkaraan ng kaunting panahon, naging mas madali ito. Sa kaunting pagsasanay, masasanay ka rin sa mga iniksyon. At sa pagtagal ng panahon hindi ka makakaramdam ng kaba o takot.

Mga uri ng insulin

Ang mga uri ng insulin ay:

  • Mabilis ang bisa na insulin. Gumamit ng insulin na mabilis ang bisa kasama ng pagkain. Kailangan mong kumain sa loob ng 15 minuto pagkatapos mong gamitin ito.

  • Regular o maikli ang bisa na insulin. Karaniwan ding ibinibigay ang maikli ang bisa na insulin bago kumain. Karaniwang nakararating ito sa daloy ng dugo sa loob ng 30 minuto pagkatapos iturok.

  • Katamtaman ang bisa na insulin. Mas matagal tumalab ang katamtaman ang bisa na insulin kaysa sa mabilis ang bisa na insulin. Ngunit mas nagtatagal ito sa iyong daluyan ng dugo.

  • Matagal ang bisa na insulin. Tinitiyak ng insulin na matagal ang bisa na mayroong kaunting insulin sa iyong daluyan ng dugo sa lahat ng oras. Tumutulong ito na panatilihing nakokontrol ang iyong asukal sa dugo. Ang mga turok na ito ay maaaring tumagal sa buong araw.

Paggamit ng hiringgilya

Palaging i-test ang iyong asukal sa dugo bago mag-iniksyon ng insulin. Tumutulong sa iyo ang mga sukat ng asukal sa dugo na magpasya kung gaano karaming insulin ang ibibigay sa iyong sarili. Kapag nag-iiniksyon ng insulin, siguraduhing mag-iniksyon nito sa taba sa ilalim lamang ng balat. Maraming taong may diabetes ang nag-iiniksyon gamit ang isang hiringgilya.

Hilingin sa iyong tagapangalaga ng kalusugan na turuan ka kung paano paikutin ang iyong lugar ng iniksyon. Itanong din kung paano maiwasan ang pag-iniksyon sa mga lugar ng lipohypertrophy. Ito ay isang bukol sa ilalim ng balat na dulot ng pag-iniksyon ng insulin sa parehong lugar nang maraming beses. Itanong din kung paano mag-iniksyon ng insulin nang tama at kung paano maiwasan ang pag-iniksyon ng insulin sa kalamnan. Ito ay upang matiyak na ang insulin ay nasisipsip sa tamang paraan.

Sundin ang mga hakbang sa ibaba para sa pag-iniksyon ng insulin gamit ang isang hiringgilya.

Hakbang 1: Paghahanda

  • Tipunin ang iyong mga supply. Narito ang kakailanganin mo:

    • Isang bagong hiringgilya

    • Insulin

    • Mga pamunas na may alkohol

    • Espesyal na lalagyan para itapon ang lumang karayom (lalagyan ng matatalim). Mabibili ito sa isang botika o tindahan ng medikal na supply. O maaari kang gumamit ng anumang lalagyan na hindi mabubutas na may takip na hindi mabubutas, tulad ng isang walang laman na bote ng sabong panlaba.

    • Magulang, guro, o isa pang nasa hustong gulang na magbabantay

  • Hugasan ang iyong mga kamay. Gumamit ng sabon at maligamgam na tubig.

  • Linisin ang bote ng insulin. Punasan ang ibabaw ng rubber top (stopper) ng bote ng insulin (vial) gamit ang pamunas na may alkohol.

  • Ihanda ang insulin. Kung gumagamit ka ng malabo na insulin, dahan-dahang igulong ang bote sa pagitan ng iyong mga kamay nang humigit-kumulang 20 beses. Huwag kalugin ang insulin. At huwag gumamit ng malamig na insulin. Sa halip, itabi ang 1 bote sa karaniwang temperatura at ilagay ang natitira sa refrigerator.

Hakbang 2: Paghahanda ng hiringgilya

  • Alisin ang hiringgilya mula sa pakete nito.

  • Alisin ang takip ng karayom.

  • Humatak ng hangin sa loob ng hiringgilya. Hilahin pabalik ang plunger upang maipasok ang hangin sa hiringgilya. Hilahin ang plunger pabalik sa marka (guhit) para sa biling ng mga yunit ng insulin na gusto mong iturok. Ang marka sa hiringgilya na pinakamalapit sa karayom ay 0 (hindi 1).

  • Magpasok ng hangin sa insulin. Hawakan ang bote sa isang patag na ibabaw gamit ang isang kamay. Gamit ang isa mo pang kamay, hawakan ang hiringgilya nang diretso pataas at pababa. Marahang itulak ang plunger upang magpasok ng hangin sa insulin.

  • Ipihit ang bote na ang hiringgilya ay nakatiwarik. Panatilihin ang karayom sa stopper. Ibaligtad ang hiringgilya at bote upang ang bote ay nasa itaas na ngayon, at ang hiringgilya ay nasa ibaba. Ingatang hindi mabaluktot ang karayom kapag ibinabaligtad ang bote ng insulin.

  • Humatak ng insulin sa loob ng hiringgilya. Panatilihing mas mababa sa lebel ng insulin ang dulo ng karayom. Maaaring kailanganin mong bunutin nang kaunti ang karayom. Dahan-dahang hilahin pabalik ang plunger upang kumuha ng insulin. Hilingin sa isang may sapat na gulang na tingnan ang dosis.

  • Tingnan kung may mga bula ng hangin. Marahang tapikin ang hiringgilya habang nasa stopper pa ang karayom. Malilipat ang mga bula ng hangin sa ibabaw ng hiringgilya. Itulak nang kaunti ang plunger para palabasin ang mga bula ng hangin pabalik sa bote ng insulin. Ang iyong tagapangalaga ng kalusugan, nars, o ang tagapagturo ng diabetes ay maaaring magpakita sa iyo ng iba pang paraan upang alisin ang mga bula.

  • Alisin ang karayom mula sa bote ng insulin.

Hakbang 3: Pagbibigay ng iniksyon

  • Linisin ang lugarng iniksyon. Gumamit ng pamunas na may alkohol upang linisin ang lugar kung saan ka mag-iiniksyon. Hayaang matuyo sa hangin ang lugar. Kung basa ng alkohol ang balat, hahapdi ang turok.

  • Kumurot ng isang pulgada ng balat. Hilahin ang halos 1 pulgada ng balat. Marahang kurutin ang balat. Huwag itong pisilin. Ito ay upang matiyak na hindi ka mag-iniksyon sa kalamnan.

  • Ipasok ang karayom. Ipasok ang karayom sa balat sa anggulong ipinakita sa iyo. Itulak ang karayom hanggang sa hindi mo na ito makita.

  • Iturok ang insulin. Marahang pindutin ang plunger hanggang wala nang laman ang hiringgilya.

Hakbang 4: Pag-alis ng karayom

  • Bumilang hanggang 5 bago bunutin ang karayom.

  • Alisin ang karayom mula sa balat.

  • Bantayan ang lugar ng iniksyon para sa pagtulo ng insulin at para sa pagdurugo. Kung dumugo ang lugar, punasan ito ng bulak o tisyu. Kung tumutulo ang insulin, itanong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan, nars, o tagapagturo ng diabetes upang matiyak na ginagawa mo ito nang tama.

Hakbang 5: Pagkatapos ng iniksyon

  • Direktang ilagay ang hiringgilya sa isang lalagyan ng matatalim. Huwag itong ilagay kahit saan. Huwag muling takpan ang karayom. Siguraduhing kumain ka sa loob ng 15 minuto ng pag-iniksyon ng insulin na mabilis ang bisa.

Paggamit ng insulin pen

Maaari ka ring gumamit ng mga injection pen para makuha ang insulin na kailangan mo. Ang mga injection pen ay mukhang mga panulat. Ang mga injection pen ay naglalaman ng mga cartridge ng insulin. Isang bagong karayom ang ginagamit para sa bawat iniksyon. Mayroong iba't ibang uri ng mga insulen pen. Sasabihin sa iyo ng iyong tagapangalaga ng kalusugan, nars, o tagapagturo ng diabetes kung aling pen ang pinakamainam para sa iyo. Isa sa kanila ay magpapakita rin sa iyo kung paano gamitin ang pen. Ang mga smart pen ay tinatawag ding mga konektadong insulin pen. Ang mga pen na ito ay maaaring iprograma upang kalkulahin ang mga dosis ng insulin. Nagpapadala ang mga ito ng impormasyon sa iyong smartphone.

Mga tip para sa mga gumagamit ng pen

  • Hugasan ang iyong mga kamay ng sabon at tubig.

  • Linisin ang lugar ng iniksyon gamit ang pamunas na may alkohol.

  • Gumamit ng bagong karayom sa bawat pagturok.

  • Huwag kailanman iwanan ang karayom sa pen kapag hindi mo ito ginagamit.

  • Bago magturok, pitikin ang karayom gamit ang dulo ng iyong daliri upang alisin ang mga bula ng hangin.

  • Pagkatapos, subukan ang pen sa pamamagitan ng pag-dial sa 2, pindutin nang ganap ang pindutan ng iniksyon. Dapat lumabas ang insulin sa karayom kapag ginawa mo ito. Kung hindi, tingnang muli kung may mga bula ng hangin. Pagkatapos ay subukan muli. Kung walang lumabas na insulin pagkatapos ng 3 subok, ulitin gamit ang bagong karayom. Maaaring oras na rin para palitan ang cartridge ng insulin.

  • Hilingin sa isang may sapat na gulang na suriin ang dosis ng insulin na nai-dial mo para sa iyong sarili.

  • Mayroong iba't ibang uri ng mga karayom ng pen. Alamin kung anong uri ang iyong ginagamit at kung paano ito gamitin.

    • Karayom ng karaniwang pen. Ang karayom na ito ay kadalasang may naaalis na panlabas at panloob na takip. Kailangang alisin ang parehong takip bago ang pagturok.

    • Karayom ng safety pen. Ang karayom na ito ay may naaalis na panlabas na takip. Ang panloob na takip ay nakapirming panangga na pangkaligtasan na hindi naaalis. Sa halip, itutulak pabalik ang panangga. Ilalantad nito ang karayom habang pinipindot ang panturok laban sa lugar ng iniksyon.

    • Kapag kumukuha ka ng isang bagong kahon ng karayom, laging tingnan kung anong uri ng karayom ito. Maaaring iba ito sa kung ano ang nakasanayan mo. Makipag-usap sa tagapangalaga ng iyong kalusugan kung hindi ka sigurado kung paano gamitin ang mga bagong karayom.

Closeup ng dulo ng karaniwang pen na panturok na ipinapakita ang panlabas na takip, panloob na takip ng karayom, at karayom.
Karayom ng karaniwang pen.

Closeup ng dulo ng safety pen na panturok na ipinapakita ang panlabas na takip at dulo ng hiringgilya na may nakapirming panangga ng panloob na karayom.
Karayom ng safety pen.

Pagtatabi ng insulin

  • Panatilihin sa refrigerator ang insulin na hindi mo ginagamit. Tiyaking hindi ito nagyelo.

  • Gamitin ang insulin bago ito masira (mag-expire). Para sa mga gumagamit ng pen, ang petsa ng pag-expire ay karaniwang nasa kahon.

  • Gamitin ang insulin sa loob ng 28 araw pagkatapos itong buksan

  • Dalhin ang iyong insulin sa isang bag na ginawa para protektahan ito mula sa init at lamig.

Lugar ng iniksyon

Ikaw ang bahalang maghanap ng pinakamagandang lugar (site) para magturok ng insulin. Kapag pumipili ng site, tandaan ang mga katotohanang ito:

  • Maaari kang magturok ng insulin sa likod ng iyong mga braso, puwit, ibabaw o gilid ng iyong mga hita, at iyong tiyan (abdomen). Manatili nang hindi bababa sa 2 pulgada ang layo mula sa pusod (navel).

  • Pinakamabilis na gumagana ang insulin kapag itinurok sa tiyan.

  • Kailangan mong palitan nang madalas ang mga lugar ng iniksyon. Mag-iwan ng humigit-kumulang 1 pulgada sa pagitan ng mga lugar ng iniksyon.

Pagbibigay ng mga iniksyon sa iyong sarili

Hindi mo kailangang bigyan ang iyong sarili ng mga iniksyon hanggang sa ikaw ay maging handa. Sabihin sa iyong mga magulang o sa iyong tagapangalaga ng kalusugan, nars, o tagapagturo ng diabetes kung ano ang iyong nararamdaman. Susuportahan at tutulungan ka nila. At, kapag nagpasya kang simulan ang pagbibigay sa iyong sarili ng insulin, patuloy ka nilang tutulungan.

Online Medical Reviewer: Raymond Kent Turley BSN MSN RN
Online Medical Reviewer: Rita Sather RN
Online Medical Reviewer: Robert Hurd MD
Date Last Reviewed: 7/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer